Gusto ko silang makitang magka-pakiramdam.
Sa tuwing nagmamahal ako, hindi ko pinagkakait ang nararamdaman ko sa taong mahal ko. Hindi ko pinagsisisihan ang lahat ng pagmamahal na kaya kong ibigay. Hindi ko sila pinapahirapang alamin kung ano ang nasa isip ko.
Siguro ito na rin ang dahilan kung bakit hindi ko sila nararamdaman. Masyado akong abala sa kaya kong ibigay at sa mga binibigay kong pagmamahal sa kanila kaya't nakakalimutan ko ng pansinin kung paano nila iyon tinatanggap.
Gusto ko silang maramdamang magka-pakiramdam.
Minsan, gusto kong paniwalain ang sarili ko na kahit minsan, umiyak ang taong minamahal ko ng dahil sa akin. Gusto kong maniwala na nasaktan ko sila kaya't napaiyak ko sila. Pero mas gusto kong maniwala na umiyak sila dulot ng tuwang pinadama ng aking pagmamahal sa kanila.
Isa ring pantasya para sa akin ang pagpantasyahan nila ako.
Sana ay sumagi sa isip nila ang mga masasayang alalaala naming dalawa at sana, dumating sila sa sitwasyon na ginusto rin nila akong balikan upang bumalik ang nakaraan. Kung masaya man sila ngayon sa piling ng bago nilang mahal, sana kahit minsan, naikumpara nila ako at nasabi nila sa kanilang mga sarili na mas minahal ko sila kung ikukumpara sa pagmamahal na pinapakita ng mahal nila ngayon.
Hindi ko sinasabing dapat naging patas sila sa akin sa lahat ng oras. Hindi iyon maaring mangyari dahil ang mundo ay hindi nilikha na eskwalado.
At lalong hindi ko ito ginagawa para makakuha ng awa sa kanila. Sa totoo lang, mas nangingibabaw ang awa kaysa pagmamahal na pinapamalas nila sa akin noong panahong minahal ko sila. Pilit kong inaalam kung bakit ganito ang kanilang naramdaman, pero mukhang imposibleng alamin. Lagi nilang sinasabi sa akin na makakakita rin ako ng taong magmamahal sa akin na higit pa sa pagmamahal na kaya nilang ibigay.
Ayokong aminin sa sarili ko na ang lahat ng taong minahal ko ay hindi ako kayang mahalin. Mas mahihirapan akong hanapin ang sagot diyan.
Siguro dapat hindi na lang ako nakakaramdam. Hindi na lang ako dapat nagmamahal para mapansin ko ang mga kayang ibigay ng mga taong magmamahal sa akin sa hinaharap. Marahil mas maganda kung hahayaan ko na lang ang sarili kong tumanggap at ipagkait ang pagbigay. Alam kong hindi dapat, pero ito lang ang naiisip kong paraan para hindi maniwala sa teoryang hindi ako kayang mahalin ng mga taong mahal ko.
At siguro sinasabi ko lang ang mga bagay na ito dahil gusto kong paangatin ang tingin ko sa sarili ko. Mahirap din kasing manghula habang buhay kung saan napupunta ang pagmamahal na ilang ulit ko nang binigay. At lalong mahirap aminin sa sarili na minarapat lamang nila na ipawalang-saysay ang pagmamahal na pinamalas ko.
Nakakapagod na rin kasing magmahal.
O kaya siguro... hindi pa talaga ako marunong magmahal.
Gusto
Posted by Joyce 3.15.2007 at 1:06 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment