Wala ka ng magaawa kundi tanggapin na hindi mo na matutuwid ang iyong mga pagkakamali. Huwag mo nang papaniwalain ang sarli mo na uuwi sa bahay si Diko, maipapabalik mo dito si Kuya, at mapipigilan mo akong umalis. Hindi ka na kayang bigyan ng Panahon ng isa pang pagkakataon upang mahalin ka ng mga anak mo nang buong puso.
Paalis
Posted by Joyce 10.29.2009 at 10:34 PM
Patawad dahil hindi kita kayang alagaan hanggang sa pagtanda mo. Patawad dahil hindi ako naging mabuting anak sapagkat iniwan kitang mag-isa, pagkatapos ang lahat ng pagsasakripisyong ginawa mo upang maitaguyod ako. Patawad kung hindi kayang bantuan ng iyong pagmamahal ang nag-aapoy na galit na nakakulong sa aking puso. Gusto kong mabuhay mag-isa. Gusto kong mabuhay sa malayo, sa lugar na hindi na kita makikita, sa lugar na malaya kong maipapakita ang tunay kong pagkatao, sa lugar na kaya akong tanggapin at mahalin bilang ako, sa lugar na may kalayaan at katahimikan, sa lugar na hindi katulad dito.
Patawarin mo ako kung hindi kita maintindihan. Siguro nga'y kailangan kong tanggapin na balang araw, maluluklok rin ako sa iyong kalagayan. Ngunit sa tuwing naiisip ko ang kahihinatnan kong iyon, mas nanaiisin ko pa na mamatay na ako hangga't bata pa ako. Ayokong maging katulad mo. Kinahihiya ko na bahagi sa nananalaytay kong dugo ay galing sa iyo.
Kung saan ako pupunta ay hindi ko alam. Bahala na kung mawalan ng trabaho. Bahala na kung maghirap. Basta't kailangan kong maging mag-isa.
Huwag Na Lang Siguro
Posted by Joyce 10.26.2009 at 12:56 AM
Siguro, likas lang talagang magulo ang isip ko, kaya't patawarin mo ako. Marahil sa ngayon ay alam mo na na malungkot at mapurol lang naman akong klase ng tao, hindi tulad ng pagkakakilala ng karamihan sa akin.
Gusto ko sa itong sabihin sa iyo sa pinakatapat na paraan: kailangan ko ng pag-ibig at gusto ko ng pag-ibig mo sa akin, ngunit hindi kita mahal at hindi kita kayang mahalin.
Sa palagay ko, lahat na ng bagay ay napag-usapan na natin sa loob ng dalawang taon, kundi ang nararamdaman natin sa isa't-isa. Sa loob ng anim na taon nating pagkakaibigan, alam ko na hindi natin inakala na darating tayo sa sitwasyong ito kung kailan napakalalim na ng pagkakakilala natin sa isai't-sa. Ngunit higit na pinagtatakahan ko sa ating pagkakaibigan ay ang kapangyarihan ng iyong pag-ibig sa akin na pagtagpuin ang ating nag-iibang pagkatao, sa kabila ng pag-ihip ng tadhanang naghihiwalay ng ating mga landas.
Naiintindihan kong hindi mo sinasadyang mahalin ako. Maintindihan mo rin sana na hindi ko rin naman intensyon na hindi ka matutunang mahalin. Gusto kong malaman mo na matgal na akong naghahanap ng taong katulad mo na yayakap sa aking pagkatao, pagkakamali, kahihiyan at pagkabigo. Pinangarap ko rin na ang susunod kong mamahalin ay uusbong sa isang pagkakataong walang bahid na kamalian. Sa gitna ng lahat ng pag-aagam-agam kong ito, dumating ka upang imulat sa akin na posible pala na maranasan ko ang lahat ng ito sa isang taong kaytagal ng nasa harapan ko.
Nandito na't nakatambad sa akin ang lahat ng inaasam-asam ko. Ang kulang na lamang ay ako. Kaya't patawarin mo sana ako kung huwag na lang siguro.
Pinto
Posted by Joyce 10.20.2009 at 12:53 AM
Kailangan mo ba talaga akong layuan?
Paano kung ayaw ko? May magagawa ba ako?
Sabihin mo sa akin kung paano at gagawin ko na kaagad.
Nakasara man ang aking pinto, hindi naman ito nakakandado.
May balak ka man lang ba na muling pumasok?
Bakit hindi mo subukang kumatok?
Pipilitin ko ulit itong buksan para sa iyo.
Alam mo namang hindi kita kayang pagsarahan.
Subscribe to:
Posts (Atom)