Wala ka ng magaawa kundi tanggapin na hindi mo na matutuwid ang iyong mga pagkakamali. Huwag mo nang papaniwalain ang sarli mo na uuwi sa bahay si Diko, maipapabalik mo dito si Kuya, at mapipigilan mo akong umalis. Hindi ka na kayang bigyan ng Panahon ng isa pang pagkakataon upang mahalin ka ng mga anak mo nang buong puso.
Patawad dahil hindi kita kayang alagaan hanggang sa pagtanda mo. Patawad dahil hindi ako naging mabuting anak sapagkat iniwan kitang mag-isa, pagkatapos ang lahat ng pagsasakripisyong ginawa mo upang maitaguyod ako. Patawad kung hindi kayang bantuan ng iyong pagmamahal ang nag-aapoy na galit na nakakulong sa aking puso. Gusto kong mabuhay mag-isa. Gusto kong mabuhay sa malayo, sa lugar na hindi na kita makikita, sa lugar na malaya kong maipapakita ang tunay kong pagkatao, sa lugar na kaya akong tanggapin at mahalin bilang ako, sa lugar na may kalayaan at katahimikan, sa lugar na hindi katulad dito.
Patawarin mo ako kung hindi kita maintindihan. Siguro nga'y kailangan kong tanggapin na balang araw, maluluklok rin ako sa iyong kalagayan. Ngunit sa tuwing naiisip ko ang kahihinatnan kong iyon, mas nanaiisin ko pa na mamatay na ako hangga't bata pa ako. Ayokong maging katulad mo. Kinahihiya ko na bahagi sa nananalaytay kong dugo ay galing sa iyo.
Kung saan ako pupunta ay hindi ko alam. Bahala na kung mawalan ng trabaho. Bahala na kung maghirap. Basta't kailangan kong maging mag-isa.
0 comments:
Post a Comment