huli!

At kinikilabutan talaga ako sa nahuli ko! hahaha... 

Naniniwala ka ba talaga sa kanya? Naku. Basta. Nyahahaha...

Hindi ako nagalit sa natuklasan ko. Pero hindi ko maikakaila na nagulat ako. Syempre, hanggang tingin na lang talaga ako. Kung bibigyan man ako ng pagkakataon na makita rin nila ako, hindi naman din talaga ako kikibo. Gagawin ko iyon dahil wala na akong pakialam sa kanya. Magpakasasa siya.

Hindi na ako naiinis at lalong hindi ako nagseselos! Walanghiya lang talaga ang buhay. May mga taong sadyang naiiba ang kalibre... haha. Mabuti na lamang at wala na talaga akong nararamdaman para sa kanya. Naku, sana talaga ay nagbago na siya, kung hindi.... tsk.

Ako kasi, hindi ako naniniwalang kaya niyang magbago. Pero sino ba naman ako para maglahad ng paniniwala? Hindi ko naman talaga siya kilala.

Ako rin kasi, bakit nga ba hinanap ko pa? Nalaman ko tuloy at nakapanigarilyo na naman ako dulot ng magkahalong tawa at kilabot. Gayunpaman, hindi ko na rin ito gagawin ulit. Ituring na lang natin na isang aksidente ang nakita ko. Ayoko nang bigyan pa ng sakit ng ulo ang sarili ko sa mga bagay na wala naman talaga akong kinalaman. 

Ganoon na nga. Ibigay ang hilig. At magpasalamat na lang din ako na nagbago na ako. 

mga gusto

Madami akong gustong baguhin sa sarili ko. Ibig sabihin, hindi ako masaya kung ano ang mga pinaggagagawa ko ngayon. Bakit? Hindi ko alam. Kung anuman ang (mga) dahilan, ang alam ko lang ay pumapangit ako dahil sa mga iyon.

1. Gusto ko nang tigilan makinig ng love song lalo na kapag gabi. Nalulungkot lang ako. Naiisip ko lang ang "pag-ibig" na hindi ko maunawaan at hindi ko masiguradong naranasan. Isa pa, naiisip ko rin ang mga namatay na pangyayaring hindi ko na kailanman mabibigyang buhay. Ayoko nang patayin ang sarili ko sa panghihinayang. Ayoko nang sisihin ang sarili ko sa pagsasawalangbahala. Kailangan ko nang tantanan ang pagsaksak sa utak ko na hindi ako kayang magustuhan ng mga taong gusto ko!

2. Gusto ko na ring tigilan manigarilyo. Mahirap talaga itong gawin, lalo na't ang sigarilyo ang aking kaagapay sa pag-iisip, pagkapagod, pagkainip at pag-iisa. Para na rin akong nawalan ng malapit na kaibigan kapag tumigil akong manigarilyo. Ngunit kahit saan aspeto ko tignan, alam kong mali. Hindi ko dapat kailanganin ang isang kaibigan kapag ako ay nag-iisip, napapagod, naiinip at nag-iisa. Kailangan magawa ko ang mga ito nang hindi humihingi ng tulong sa kahit ano o sa kahit kanino. Kung hindi, hindi ko matutunang maging malakas.

3. Gusto kong matutunan pagandahin ang sarili ko. Ang pangit ko talaga. Mukha ako laging pagod. Mukha ako laging malungkot. Mukha akong kawawa. Kapag nakikita ko ang sarili ko sa salamin, pinipilit kong sabihin na maganda ako. Ngunit habang tinititigan ko ang aking mga mata, napapangitan ako sa nakikita ko. Napapabayaan ko na yata talaga ang aking sarili. Kilos ako nang kilos para gawin ang mga bagay na hindi ko naman kinatutuwa. Pinapagod ko ang aking sarili sa mga gawain na tila walang patutunguhan.

4. Gusto ko nang masabik sa pagising sa umaga. Ayoko nang hilahin ang katawan ko pagmulat ng aking mga mata dahil lamang naiisip ko na magtatrabaho na naman ako, o kaya'y mag-aaral na naman ako, o kaya'y pipilitin na naman akong magsimba ng tatay ko. Ayoko nang sumimangot sa umaga! Sayang ang araw. Kaysa sa habaan ko ang tulog, gusto ko nang gumising nang maaga para mahaba ang araw ko.

5. Dahil diyan, gusto ko nang tigilan ang pagpupuyat. Masarap sana ang magisip-isip tuwing tumatakbo ang alas dose hanggang sa makatulog ako ng alas dos. Kaya lang, palagay ko ay wala rin namang pinatutunguhan ang pag-iisip ko. Nalulungkot lang ako lalo, o naiiyak, o nanariwa lang ako sa mga patay na nakaraan. Sayang ang oras na sana'y tinutulog ko na lang.  Katulad ngayon, ala una na. Dahil diyan, pinapangako ko na pagkatapos kong maghimutok sa mga ito ay matutulog na talaga ako!

6. Gusto kong matutunang matulog nang walang ilaw. Bukod sa aksaya sa kuryente, natatakot akong makakita ng multong maski minsan ay hindi ko naman nakita. Gusto ko nang maging matapang -- hindi laban sa mga multong lahat naman yata ay takot -- kundi laban sa kalikutan ng aking pag-iisip at sa kahinaan ng aking loob. Bakit nga ba kung kailan ako tumatanda, saka pa ako nagiging duwag sa maraming bagay? Duwag ako sa dilim, duwag sa paputok, duwag sa away, duwag sa aso ng mga kapitbahay, duwag sa ipis, duwag magkamali, duwag magmahal at duwag alamin ang sarili kong diyos. 

7. Gusto ko nang tapusin ang lahat ng mga nakatiwangwang na libro at gusto ko nang ugaliin ang seryosong pagbabasa. Hindi na ako nagbabasa! Kaya siguro ang bobobobo ko na. Oo, nag-aaral ako kaya ako nakakapagbasa, ngunit pagkatapos kong mairaos ang isang term, kinakalimutan ko na lahat ang mga nabasa ko. Nakakahiya para isang graduate student ang ginagawa ko. Kung kailan naman pinagmamatrikula ko na ang sarili ko, saka naman ako tinatamad mag-aral. Sabi ko pa naman, gusto ko nang tapusin ang pag-aaral ko ngayong taong ito. Ngunit paano ko iyon magagawa kung hanggang ngayon eh wala pa rin akong naiisip na thesis topic?! Bakit wala akong paksa? Dahil wala akong interes sa mga ginagawa ko sa paligid ko. Dahil diyan, gumuguho ang aking kaisipan...

8. Higit sa lahat, gusto ko nang umalis sa bahay na ito! Bago pa mawala ang respeto ko sa tatay ko, gusto ko nang tumiwalag at matutong mabuhay mag-isa. Palagi ko na lang bang isasaalang-alang ang kagustuhan ng ibang tao laban sa sarili kong kalayaan? Kasabay ng pagkaubos ng oras, nauubos na rin ang aking kalayaan dahil sa pagsasakal sa akin ng bulok na institusyon na sinasabuhay ng apat na sulok ng aming pamamahay. Hindi ko alam sa sarili ko kung bakit ako natatakot na magalit sa akin ang tatay ko kapag lumayas ako sa aming bahay. Ang alam ko lang, gusto kong ipagtanggol ang nanay ko sa masasamang mga kamay ng tatay ko. Ngunit sa tatlong taon kong pagtigil sa bahay na ito (matapos ang kolehiyo), palagay ko ay hindi naman nagiging sapat ang pagtatanggol na nagagawa ko sa nanay ko laban sa tatay ko. Dahil diyan, hindi ba nawawalan lamang ng saysay ang pamamalagi ko dito sa bahay na ito? Siguro nga...