lahat kayo

amang hindi karapat-dapat na mahalin. inang walang ginawa kundi magreklamo sa kanyang buhay. matandang kapatid na walang pinagkatandaan. kapatid na nagpapakamatay sa pera. sintunadong kapitbahay na maingay na kumakanta ng mga pinakapangit na mga kanta. bahay na tinutupok ng mga insekto. trabahong nakakaalipin. kaopisinang nanghihila pabababa. pinakaganid na kumpanyang naninirahan sa pilipinas.

kaya't huwag kang magtaka kung kinukulong ko ang sarili ko. wala akong gustong kasama kundi ang sarili ko. sarili ko lang ang kayang magpahupa ng mga luha ko. sarili ko lang ang may awang sumasagip sa akin mula sa kumunoy. wala na akong tiwala kahit kanino. pare-pareho sila. habang papalayo ako mula sa aking unang hakbang, mas napapatunayan kong pare-pareho sila. magkakaibang mukha, pinanggalingan, kapanganakan, edukasyon at disposisyon, ngunit pare-pareho sila.

Suya

Isang linggong pagtitiis na naman. Isang linggong pagpapanggap na marami akong alam. Isang linggong pagpipiga ng utak na wala naman talagang laman.

Meron pala. Puro reklamo sa kinahihinatnan, alinlangan sa sariling kakayahan, at pagtatanong sa sariili kung gusto ko ba talaga ang direskyon ng buhay na ginuguhit ko.

Isang taon na akong ganito. Pero tinutuloy ko pa rin. Tuloy pa rin ang pangangarap na kaya kong isakatotohanan ang tauhang kathang-isip ko lamang. Ngunit tuloy pa rin ang paghahanap sa sarili, kaya't tuloy pa rin ang pag-aalinlangan.

Pagod na ako sa aking sarili. Gusto ko nang parusahan ang katawan ko nang paulit-ulit. Malimit ko nang pinapaliguan ang sikmura ko ng alak. Dumadalas na rin ang pagudurugo ng aking mga labi dahil sa init ng sigarilyo. Siguro dahil gusto kong maranasan ang mawalan ng malay. Marahil, gusto kong makalimutang huminga. Ayoko nang tumakbo. Ayoko nang mag-alinlangan. Ayoko nang sisihin ang nakaraan. Ayoko nang maghinagpis.

Ipipikit ko na naman ba ang aking mga mata hanggang mag-Martes muli? Ano pa ba ang magagawa ko kundi harapin ang nakatambad na mga demonyo (ng aking sarili).