Isang linggong pagtitiis na naman. Isang linggong pagpapanggap na marami akong alam. Isang linggong pagpipiga ng utak na wala naman talagang laman.
Meron pala. Puro reklamo sa kinahihinatnan, alinlangan sa sariling kakayahan, at pagtatanong sa sariili kung gusto ko ba talaga ang direskyon ng buhay na ginuguhit ko.
Isang taon na akong ganito. Pero tinutuloy ko pa rin. Tuloy pa rin ang pangangarap na kaya kong isakatotohanan ang tauhang kathang-isip ko lamang. Ngunit tuloy pa rin ang paghahanap sa sarili, kaya't tuloy pa rin ang pag-aalinlangan.
Pagod na ako sa aking sarili. Gusto ko nang parusahan ang katawan ko nang paulit-ulit. Malimit ko nang pinapaliguan ang sikmura ko ng alak. Dumadalas na rin ang pagudurugo ng aking mga labi dahil sa init ng sigarilyo. Siguro dahil gusto kong maranasan ang mawalan ng malay. Marahil, gusto kong makalimutang huminga. Ayoko nang tumakbo. Ayoko nang mag-alinlangan. Ayoko nang sisihin ang nakaraan. Ayoko nang maghinagpis.
Ipipikit ko na naman ba ang aking mga mata hanggang mag-Martes muli? Ano pa ba ang magagawa ko kundi harapin ang nakatambad na mga demonyo (ng aking sarili).
Suya
Posted by Joyce 8.19.2008 at 10:46 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment