23

Parang hindi dumaan ang 23 sa mga mata ko. Ano bang nangyari sa buong taon bukod sa pagpasok sa opisina araw-araw, pagsulat ng paper at pagchachat sa mga taong malalayo?

Lumipas lang. Tumakbo ang panahon na wala akong pinatunguhan. 

Mas marami nga lang akong pera.

Ano naman ngayon? Hindi pa rin naman ako masaya.

Siguro iyon na nga ang saysay ng isang taong nagdaan. Natutunan ko na hindi ako kayang pasayahin ng pera. 

pagtuklas

Napatunayan ko kanina na may prinsipyo akong pinaninindigan. Dahil dito, nirespeto ko ang sarili ko. 

Maganda pala ang pakiramdam kapag gumawa ako ng mga hakbang na umaayon sa tama at mali na nalalaman ko. Ngunit mas maganda ang pakiramdam nang pinaglaban ko ang pananaw ko at pinagtanggol ko ang mga taong walang kapangyarihang magsalita. Sinagip ko rin ang pagkasira ng mga pangalang walang kamalay-malay na kinakasangkapan sa ngalan ng pera.

Kaya ko naman palang magsabi ng totoo nang walang sinisising tao. Marunong pala akong makipagtalo nang may diplomasya. 

Dahil sa nangyari kanina, unti-unti kong napaghihiwalay ang kahulugan ng diskarte at pandaraya.

Dahil sa nangyari kanina, napagtibay ko ang mga pinundar kong tiwala.

Hindi pala ako nasisilaw sa ngalan ng pera. Hindi pala ako sumusuporta sa pagbigay ng mga panandaliang solusyon sa mga malalalim na problema. Hindi ko pala tinatakasan ang problema.

Ibang-iba pala ako sa kanila.

kwadro


Hindi natin namamalayan ito, ngunit maraming pagkakataon ang dumarating sa ating buhay na pinipili nating pumaloob sa isang kwadro sa pagaakalang magiging ligtas tayo sa lahat ng kapahamakang maaari nating maranasan kung palutang-lutang tayo sa kawalan. 

Sapagkat hindi natin nakikita na ang mga ganitong pagpapasya ay isang uri ng kahinaan, ang pagpasok natin sa kwadro ay tinuturing nating tagumpay sa paghahanap ng matutuluyan - ng seguridad. Lingid sa ating kaalaman, ang pananatili natin sa isang kwadro ang nagiging kandungan ng paglago ng ating takot sa mundo at pagkawalang tiwala sa ating sarili. 

Ang iba, sa katagalan ng panahon ng pagkakapiit sa kwadro, unti-unting mararamdaman ang pagsisikip. Hindi rin magtatagal at mabubulag na sila sa dilim. Kalaunan, hindi na rin sila makakahinga. Sa ganitong pagkakataon, kailangan nilang sagutin ang isang bagay na bumubuo sa kanilang isipan: Mas gugustuhin ko bang tiisin ang hirap ng paghinga sa kwadrong napakatibay humadlang sa sakuna, o itataya ko na lamang ang aking kaligtasan sa pamamagitan ng paglitaw sa hindi ko masukat na kalawakan at humarap sa mga unos na hindi ko man lamang nalalaman kung paano paghandaan? 

Ang iba, bagamat dadalawin ng inip sa kanilang pagsiksik sa masikip na kwadro, pipiliin na lamang nilang tiisin ang lahat ng pasakit na kanilang nararamdaman sa pamamagitan ng pagtulog. Tatalikuran ang dilim, magpapakamanhid sa init at pipiliting humugot ng kasiyahan mula sa pighating kinikimkim sa sarili. At dulot na rin sa matagumpay na paglilibang sa pagkainip, nakakalimutan na nilang itanong sa kanilang sarili kung mayroon pa bang saysay ang pananatili nila sa ganoong kalagayan. Nawawaglit nila na bukas pa pala ang daan palabas ng kwadro sapagkat hindi na nila nauunawaan kung ano pa ang kaya nilang gawin.

Saan ba ako kabilang sa kanila?

Malapit na akong pumili. At kailangan kong pumili. Kung hindi, alam mo na ang pinili ko.

bubog2

Madalas kitang naiisip, lalo na kung nasa biyahe ako at mag-isa. Minsan, tinatanong ko, may dapat ba akong pagsisihan? Wala akong maisip. Ngunit maluwag ko namang tinatanggap na hanggang doon na lang talaga. Sa palagay ko, wala ng pagkakataon na darating pa para magkita tayo. 

Kung mayroon man, gusto ko ay pagkatapos na ng maraming taon, sa isang inuman kasama ang mga dating kaibigan, katulad kung paano tayo nagkakilala. Iinom tayo para lunurin ang mga pagsisising itinago natin ng maraming taon . Huhugasan natin ng alak ang mga nasayang na panahon at ilang ulit na pagkakataon na pinaubaya sa atin ng tadhana. Sa huli, sasabihin na lang natin na kung nagkakilala sana tayo sa ibang pagkakataon, minamahal pa rin natin siguro ang isa't-isa hanggang ngayon.  

Anuman ang mangyari, sana ay maiwan sa iyo ang mga ngiti ko habang pinatutulog mo ang pagod kong katawan. Mabasa mo man ito o hindi, sana ay naparating ko na sa iyo ng mga kinilos ko na ikaw ang dahilan kung bakit pilit kong binabangon ang tingin ko sa sarili ko. 

***

Ano kaya kung hindi kita tinanggihan noong panahong kinulong mo ako sa kwarto mo? Siguro, kagaya ng mga ginawa sa akin ng mga minahal ko sa aking nakaraan, mamamahalin mo rin ako sa una ngunit iiwan kapag nagsawa ka na. Madali lang naman para sa iyo ang gumawa ng dahilan upang makalayo ka na sa akin. Sasabihin mo lang naman na bagama't mahal mo ako, mas mahal mo ang pamilya mo. Ngunit hindi ko rin naman masabi kung tama ba talaga ang naging desisyon ko noon. Dahil kung pinagbigyan kita noon, e di sana ay matagal na tayong magkalayo... hindi tulad ngayon na may mga panahon na iniisip pa natin ang isa't-isa at humahanap tayo ng paraan para magkita, para lamang lumayo kinalaunan kapag bumabalik na ang ating nararamdaman.

***

Gusto kong bumalik sa araw ng Miyerkules kung kailan huli tayong nagkita. Sabi nila, iyon ang pagkakataong maari sanang magbago ang pagkakaibigan natin. Kung sinabi ko lang ang nararamdaman ko sa iyo noon, kung hinalikan man lamang kita sa iyong pisngi bago ako umalis, kung pinakita ko man lang sana na mahalaga ka sa akin, eh di sana'y naging malinaw na rin sa akin kung ano talaga ang nararamdaman mo. Pero dahil nawalan ako ng lakas ng loob para gawin ang mga bagay na iyan nang sinabi mo sa akin na paalis ka na, walang nangyari. At pihadong wala na talagang mangyayari pa.

***

Minsan, nagsisisi ako. Bakit ba hindi kita binigyan ng pagkakataong magpaliwanag? Nasasabi ko ito minsan hindi lang dahil hindi tayo nakapagpaalam sa isa't-isa (dahil wala naman saysay ang pagpapaalam sapagkat hindi naman talaga tayo nagtagpo), kundi dahil tinuldukan ng katahimikan ang lahat-lahat. Nabibingi ako sa mga murang binitiwan ko sa aking sarili nang pinawalan na kita. Binabangungot ako sa alaala ng iyong mga masasayang mata na unti-unting nag-alala nang tumapat mga ito sa matalas kong tingin.

Minsan, hindi ako nagsisisi. Sinasabi ko sa sarili ko, dalawang taon din kitang inintindi. Sa loob ng mahabang panahong iyon kung kailan lahat ng sabihin mo ay walang kurap na paniniwalaan ko, hindi mo man lamang ba naisipan magpaliwanag, kung hindi mo man lang kaya magsabi ng totoo?