Dahil walang pwedeng kausapin ngayong mga oras na ito at kailangan ko ng kausap bago ako mawalan ng bait sa sarili.
Nakakainis.
Mga 3 oras lang ang nakalipas, kasama ko si bestfriend Jeff sa Market Market. Napabili ako ng bag nang wala sa oras dahil bigla na lang napigtas ang bag ko na isang linggo pa lang ang buhay.
Nang nakapila naman ako pauwi sa fx, tinignan ko lang ang celphone ko para malaman ang oras. Nilagay ko sa bulsa ko at sumakay ako ng fx. Habang naglalakad sa looban, nalaman kong wala na pala akong celphone.
Ganun-ganoon lang yon. Hindi ko alam kung paano nawala: kung nalaglag sa fx o kinuha ng katabi ko sa bulsa ko, o sinalisihan ako ng isang pasahero nung pasakay na kami ng fx. Basta pag-uwi ko dito, putol na ang linya ng celphone ko.
Tatanga-tanga nga daw ako eh. Dahil wala pang isang taon ang telepono ko, winala ko na naman. Pang-apat na beses ko na ito na nawawalan ng telepono. Noong una, nalaglag talaga sa fx yung 3310, dahil tulog ako sa byahe papuntang Espana. Pangalawa, isang buwan pa lang un 6300, nasnatch sa harapan ko. Pangatlo, pinalibutan ako ng anim na lalaki para makuha lang nila yung D500 ko. Tapos, U600 ko naman ngayon. Siguro yung una't pangalawa, tatanga-tanga talaga ako noon. Dahil natulog ako sa fx, at dahil nagtext ako sa jeep kaya nasnatch. Pero yung pangatlo at pang-apat, hindi na yun siguro dulot ng katangahan ko. Siguro manhid lang talaga ako sa mga masasamang intensyon ng mga taong nakapaligid sa akin. Pero hindi ako tatanga-tanga dahil iniingatan ko naman talaga, pero nakukuha pa rin sa akin siguro dahil mukha akong hindi manlalaban. Ang mabigat doon sa D500 at U600, hindi ko sila pinakita sa maraming tao pero nakuha pa rin.. at pera ko na ang pinambili ko doon, at hindi madaling kumita ng pera. Kaya hindi rin dapat sabihin ng mga magulang ko na hindi ako nag-iingat. Marami lang talagang masasamang tao sa paligid.
Bibili na naman ako bukas dahil umaasa akong tatawag sa akin yung mga inapplyan ko ng trabaho. Tsk, bunot na naman sa savings nang walang kalaban-laban.
Tapos may report pa ako sa Friday. Kaya nga ako nasa Market Market ay para magkape at magbasa ng mga librong kukunan ko ng reference para dun sa report ko, tapos ganito pa ang mangyayari. Naku. Sana yung kumuha ng celphone ko, kailangang-kailangan niya talaga ng pera at may pagagamitan siya nito nang may mas makabuluhan na bagay. Ganoon na lang, para maintindihan ko sila. Mahirap man sabihin, pero sige, bigay na yon.
Monologue
Posted by Joyce 10.20.2008 at 12:57 AM
Paghinto
Posted by Joyce 10.12.2008 at 11:14 PM
Nakikinita-kita ko na.
Sisentang araw mula ngayon, sa isang gabing kagaya nito, tatagos ang aking paningin sa mga makukulay na cariƱosa na maglilipana sa harap ng mga banyagang bisita. Hawak ang malamig na alak sa kaliwa at sigarilyo sa kanan, tahimik akong makikiisa sa madla at makikitalon sa paghudyat ng pagbuhos ng pera. Lingid sa kaalaman ng lahat, iyon na ang huling gabing makakapiling ko sila - at hindi na ito kailanman madudugtungan dulot ng pakiusap sa pagmamakaawa ng mga ganid na iilan.
Kailangan hindi ako magsisi. Hindi ba't wala naman akong pagsisisihan dahil ako ay nahapo na? Hindi ba't hindi ko man lamang makukuhang lumingon sa daanang aking tinahak, kahit ba nagsusunuran sa aking mga yapak ang ibang nangangahas? Wala akong dapat pagsisihan. Umakyat ako nang walang hinihila paibaba, tinanggap ko ang malulupit na hamon sa aking pagkabata, hinarap ko ang bawat multong gumugunaw sa aking sarili, at higit sa lahat, winasak ko ang kahong nagkukulong ng pag-asa sa mga taong katulad ko.
Oras na para pihitin ang gripo ng kasakiman na sumusuka ng dugo's kayamanan, na siyang dumadaloy sa malalim na sisidlang matagal nang naguumapaw.