Siguro, likas lang talagang magulo ang isip ko, kaya't patawarin mo ako. Marahil sa ngayon ay alam mo na na malungkot at mapurol lang naman akong klase ng tao, hindi tulad ng pagkakakilala ng karamihan sa akin.
Gusto ko sa itong sabihin sa iyo sa pinakatapat na paraan: kailangan ko ng pag-ibig at gusto ko ng pag-ibig mo sa akin, ngunit hindi kita mahal at hindi kita kayang mahalin.
Sa palagay ko, lahat na ng bagay ay napag-usapan na natin sa loob ng dalawang taon, kundi ang nararamdaman natin sa isa't-isa. Sa loob ng anim na taon nating pagkakaibigan, alam ko na hindi natin inakala na darating tayo sa sitwasyong ito kung kailan napakalalim na ng pagkakakilala natin sa isai't-sa. Ngunit higit na pinagtatakahan ko sa ating pagkakaibigan ay ang kapangyarihan ng iyong pag-ibig sa akin na pagtagpuin ang ating nag-iibang pagkatao, sa kabila ng pag-ihip ng tadhanang naghihiwalay ng ating mga landas.
Naiintindihan kong hindi mo sinasadyang mahalin ako. Maintindihan mo rin sana na hindi ko rin naman intensyon na hindi ka matutunang mahalin. Gusto kong malaman mo na matgal na akong naghahanap ng taong katulad mo na yayakap sa aking pagkatao, pagkakamali, kahihiyan at pagkabigo. Pinangarap ko rin na ang susunod kong mamahalin ay uusbong sa isang pagkakataong walang bahid na kamalian. Sa gitna ng lahat ng pag-aagam-agam kong ito, dumating ka upang imulat sa akin na posible pala na maranasan ko ang lahat ng ito sa isang taong kaytagal ng nasa harapan ko.
Nandito na't nakatambad sa akin ang lahat ng inaasam-asam ko. Ang kulang na lamang ay ako. Kaya't patawarin mo sana ako kung huwag na lang siguro.
0 comments:
Post a Comment