mga bubog 1

Hindi ko na talaga alam.

Kung meron man akong nalalaman, iyon ay may mga taong namamatay sa pagkahina ng loob. At pwede akong maging isa sa kanila.

Madalas akong naiinggit sa mga taong nagtatagumpay. Bakit ba ang galing-galing nila? Bakit kaya nilang subukan ang mga ganoong bagay at nalalagpasan nila iyon? Bakit ba naauna ang hiya ko bago ko pa man subukan ang isang bagay na gustong-gusto kong makamit?

***

Gusto kong maranasan mag-bungee jumping. Hihinga ako nang malalim, bubuwelo ako, tatalon, sisigaw ng "waaahh!" at tatawa nang malakas.  Gusto kong harapin ang takot ko sa pamamagitan ng pagparaya ng kontrol sa aking buhay (May saysay pa ba itong sinabi ko?). Gusto kong matutunang bitiwan ang pagsakal sa sarili kong leeg. Gusto ko na lamang tawanan ang mga dagok sa aking buhay. Gusto kong lumaya sa sarili kong mga kadena.  Pero paano? Paano ako magsisimulang mag-bungee jumping kung natatakot akong tumalon mag-isa? 

***

Meron akong pinoproblema. Naiipit ako sa gitna ng pera at pagkakataon. Kung hindi ako naniniwala na maikli lang ang buhay ko, hindi ko ito dapat problema. Sa magkaparehong antas, naiipit din ako sa gitna ng kagustuhan at nararapat. Nararapat ba ang gusto ko? Ang gusto ko ba ay nararapat? Bakit ko iisiping nararapat ang isang bagay kung hindi ito naayon sa aking prinsipyo? Bakit naman ako makakabuo ng prinsipyo na hindi ko nagugustuhan? Nalilito ako. Hindi ko talaga alam.

Bakit ko gustong takasan ang nararapat? Dahil baka naniniwala ako na pwedeng maging nararapat ang gusto ko. 

Gusto ko lang naman magkaroon ng kabuluhan ang buhay ko. Hindi ba't nararapat lamang iyon? Mukhang mas nararapat kasi na pahalagahan ko ang maganda kong trabaho na napakarami ang gustong makakuha. Ginusto ko naman itong trabaho ko dati. Pero hindi dahil sa naiintindihan ko ang trabahong ito sa una pa lang. Pinilit kong makuha ang trabahong ito dahil gusto ko ang konsepto ng pag-unlad.

At ang pag-unlad ang naging dahilan rin ng pagkawala ng aking pagmamahal sa trabaho kong ito.

***

Misyon. Ano nga ba ang buhay? Nabibigyan lamang ba ito ng kahulugan sa pamamagitan ng pagsakatuparan ng kanya-kanyang misyon? Kailangan ba talagang may patunguhan ang buhay? Ang buhay na umiinog sa misyon ay isang linyang paakyat. Matuwid, mahirap, "tama". Ang buhay na walang misyon ay paikot-ikot, patung-patong, maaring masalimuot pero makahulugan. Tama ba?

0 comments: