Nalulungkot na naman ako. Ganito ako pagkatapos ng ilang araw pagkapasa ko ng paper. Nakakailang beses na ba? Anim. Anim na beses na.
Hindi ko alam kung bakit ako ganito. Dala na rin siguro ng pagod. Sasamahan pa yan ng mga nakakasabay ko na mga magsyota na mahal na mahal ang isa't-isa. O kaya, katulad kanina, babaeng katabi ko sa fx na nakikipaglambingan sa syota niya sa telepono.
Galing ako sa opisina kanina. Nagtrabaho kahit Sabado. Kailangan eh. Tambak ang gagawin. Hindi pala, nakakalunod ang dami ng trabaho. Tapos, kinailangan ko pang umabsent ng dalawang beses dahil tinapos ko yung research proposal na pinasa ko nung Huwebes. Papasok pa nga pala ako bukas saka sa Lunes, kahit holiday. Hindi ko na alam kung papaano ko pagkakasyahin ang oras ko sa dami ng gagawin. Dose oras na akong pumapasok araw-araw. Kapag umaalis ako sa opisina, kusa ng nililista ng utak ko ang pila ng mga gagawin pa. Kinabukasan, wala naman akong matatapos sa mga yan, dahil may mga bagong trabaho na bigla na lang darating at tutukan ang pagtapos.
Hindi ko rin naman alam kung bakit hindi ako makaalis. Alam ko pala, ayaw ko lang aminin. Pera. Hindi ko maiwan ang koleksyon ko. Lalo na ngayon, ang dami ng maambag ko sa opisina. Tiis-tiis na lang. Malapit na July. Pagkakuha ko ng profit sharing, lalayas na talaga ako. Pero ang hirap talagang magtiis. Kapalit talaga ng pera, kaligayahan.
Napapagod na rin naman ako. Naramdaman mo na ba yung pagod na bigla ka na lang mapapaiyak? Sa mga ganitong panahon ko nararamdaman 'yon. Wala namang problema sa akin ang umiyak. Gusto ko lang namang umiyak nang may kayakap. Gusto ko lang naman maranasang panoorin ako umiyak ng mga matang nakakakilala sa akin. Ayon lang naman. Maginaw kasing umiyak habang naninigarilyo at naglalakad pauwi. Hindi lang maginaw, nakakasawa na.
0 comments:
Post a Comment