Hindi mo masabi ang buhay. Sa unang pagkakataon, naisabuhay ko ang kasabihang: "isang oras, kausap mo; isang oras, wala na."
Hindi mo masabi kung ano ang kahulugan ng pamamaalam. Madalas ko siyang nakakasalubong ng nakasimangot o nag-iisip ng malalim. Sa unang pagkakataon, natapos ang aming usapan nang nakangiti siya. Iyon na pala ang huling pagkakataon na makakausap ko siya.
Hindi mo rin masabi kung saan ka dadalhin ng malusog mong katawan. Minsan, kung kailan nanaig ka na sa bingit ng kamatayan, bigla ka na lamang nitong sasaksakin sa iyong likuran.
Hindi mo talaga masabi kung sino ba talaga ang taong kilala mo. Ang inakala mong makasarili ay marami na palang nabigyan. Ang inakala mong walang pakiramdam ay marami palang minamahal. Hindi mo lang pala alam kung gaano siya kabuti, dahil pinili niya palang huwag na lang ipaalam sa iyo.
Hindi mo talaga maaring masabi ang kahalagahan ng isang tao sa buhay mo hangga't wala na siya.
0 comments:
Post a Comment