Tuyot

Narito ako sa pambihirang pagkakataon na hindi ko na kayang magsulat. Naiwanan ko na ang ako dalawang taon na ang nakalilipas na aroganteng tumutupa ng makinilya nang walang tigil hanggang sa mairaos ang mga sumasabog na konsepto sa aking kaisipan. Nawala na ang bisa ng sigarilyo na kapag hinithit ko ay lilitaw ang mga mabibisang argumento na maisasalathala ko. Naibaon ko na rin sa limot ang mga magagaling na manunulat na nagtaguyod ng mga makasaysayang teorya na maaring makapagbigay-liwanag sa magulong realidad ng ating lipunan. Hindi na ako maka-Ingles ng diretso. Natuyo na ako at hindi ko na kayang tumayo.

Lumalabo na ang aking mga mata. O kaya'y nabubulag na ako. Ang mga salita ay para na lamang isang lipunan sa ilalim ng anarkiya. Walang disiplina. Walang patutunguhan. Walang saysay ang pagkabuhay. Wala na akong maintindihan sa aking sinisulat at sa aking mga biniburang pangungusap. Wala na akong pagmamahal sa mga sulating ako ang may akda. Kinahihiya ko na pati ang mga salitang lalabas pa lamang sa aking isipan.

Nawawala na ang aking yabang. Nawawala na rin ang aking mga pangarap.

0 comments: