Yakap

Maari ba akong lumapit upang yakapin kita nang hindi lang saglit? Matagal na akong naghihintay na maniwala na maari ko pang makita ang isang tulad mo na hahalik sa aking mga kalungkutan. Pinahihintulutan man ako ng pagkakataon sa ngayon na mahawakan ka, sana ay buksan mo ang iyong mga mata upang pagmasdan ang masasaya kong luhang ikaw ang sanhi.

Mawalan man ako ng pag-asa at paniniwalang maitatama ko pa ang malungkot kong buhay, pilit na pinadarama sa akin ng iyong mga ngiti na hindi mo ako hahayaang umiyak mag-isa. Sa pagharap ng pagal kong kaluluwa sa kahihiyang pinapamukha sa akin ng buhay, nananatiling matatag ang iyong paniniwala sa aking lakas na hindi ko man lamang matagpuan.

At tila hinahayaan mo na lamang matunaw ang iyong bawat oras sa paghawak lamang ng aking mga kamay nang walang panghihinayang. Hindi mo man makita ang saysay ng pagyakap mo sa malungkot kong buhay, sana ay naipadarama ko sa iyo na ikaw ang pinakamagandang nangyayari sa buhay ko, dahil hinahayaan mo akong buhayin ng mga yakap mo.

0 comments: