Totoo

Ang sarap palang maging totoo sa sarili.

Sa loob ng labing-apat na taon, ngayon lang ako pinagbuhatan ng kamay ng tatay ko. At wala akong balak humingi ng tawad sa kanya.  Kulang pa ang sigawan ko siya harap-harapan. Kulang pa sa kanya iyon. At lalong kulang pa sa gusto kong gawin sa kanya. Gusto ko siyang saktan. Gusto ko siyang pagtawanan. Tignan mo ang iyong sarili. Nakakaawa ka. 

Napakagaan ng pakiramdam ko. Pakiramdam ko ay ngayon lang ako nakagawa ng tama para sa sarili ko. Nang nagalit siya sa akin at dumampi ang kanyang mga kamao sa aking mga pisngi, napangiti ako. Iyan lang ba ang kaya mong gawin, ha? Hindi man lang ako nasindak nang tinulak niya ako at binato ng kung ano ang una niyang mahawakan. Tumayo lang ako sa kanyang harapan at tinitigan siya habang pumipiglas siya sa mga bisig ng tito ko. Kung hindi pa sabihin ng nanay ko na bumaba ka muna, hindi ako matitinag sa ikinatatayuan ko. Nagustuhan ko ang mga nakita ko, ang galit sa kanyang mga mata. Ganito pala ang sitwasyon kung sa akin na siya nagagalit. Ngayon lang kasi ito nangyari sa buong buhay ko. Siguro'y kaya ako napapayapa dahil sa kaibuturan ng aking isipan, hiniling kong mangyari ang pagkakataong ito. 

Hindi ko na pala talaga kayang magpakitang tao sa loob ng sarili kong pamamahay. Panahon na para maunawaan nila na hindi nila ako kilala. Kung hindi nila kayang tanggapin na nagpalaki sila ng suwail, hindi ko rin naman ipipilit ang sarili ko na maging katanggap-tanggap sa mga mata nila. Ganito ninyo ako pinalaki. Ganito ako binuo ng paulit-ulit ninyong pagbabawal. Kaya't tignan ninyo, malakas ako. At hindi ko iiyakan ang pagkataong tinaguyod ko.

Huwag kang humingi ng tawad dahil sinaktan mo ako sapagkat hindi mo ako sinaktan. Pinasaya mo pa nga ako dahil sinimulan mo ang hidwaan natin. Hinog na ang pagkakataon para malaman mong hindi ko gusto ang pamamalakad mo sa pamilyang ito, ang pagpapalaki mo sa aming magkakapatid, ang pananaw mo sa buhay, ang pakikitungo mo sa mga tao, ang pagtingin mo sa Diyos, ang pang-aabuso mo sa pagmamahal ng nanay ko - sa iyong asawa na tanging nagmamahal sa iyo. Matagal ko ng nirespeto ang pagkakaiba natin. Tiniis ko ang mahabang panahon ng pagsisinungaling sa mga pagsang-ayon sa lahat ng ginagawa mo. Hindi tayo magkakampi. Wala akong nagustuhan sa mga ginagawa mo. 

Huwag kang humingi ng tawad dahil sinaktan mo ako. Lalong huwag mo itong susundan ng mga pasintabing "nabigla lang ako" at "mahal na mahal kita". Punyeta. Lalo mo lang sinisira ang konsepto ko ng pagmamahal. Nagsara ang puso ko dahil sarado ang puso mo nang humihingi ako ng pang-unawa. Nagsara ang puso ko nang hindi mo ako binigyan ng pagkakataong magmahal. Nagsara ang puso mo sa akin, kung kailan ginusto kong ipakilala ang sarili ko sa iyo at umasang mahahabol natin ang mahabang panahong hindi ako lumaki sa 'pangangalaga' mo. At hindi mo ako pinapakinggan. Wala kang ibang naririnig kundi ang mga baluktot mong katuwiran. Hindi ka marunong maawa nang ikulong mo ako sa mga oportunidad ng buhay sa ngalan ng iyong 'proteksyon', kaya't lumaki akong walang tiwala sa sarili kong kakayahan. Ang kaya mo lang gawin ay ang maaawa ka sa iyong sarili, sapagkat gusto mong maawa ako sa iyo. At naging matagumpay ka. Kaya't nandito ako ngayon, napapailing sa iyong kinahantungan. Nakakaawa ka nga. 

Sa mga nakikita ko sa iyo ngayon, nasasabi ko tuloy sa aking sarili na kung magiging katulad rin naman kita sa pagtanda ko (yaman na lamang sarili mong dugo ang nananalatay sa aking laman), mas mabuti na sigurong hindi ako makabuo ng pamilya. Ayokong makasagabal, ayokong mamerwisyo, at ayoko ng makasakit ng nararamdaman ng iba, katulad na lamang ng pinamamalas mo sa amin.

Kaya't saktan mo pa ako. Ituloy mo pa ang galit mo sa akin. Sabihin mo lang kung kailan mo gusto ulit akong saktan at ilalapit ko pa ang mukha ko sa iyo para hindi ka mahirapan. Saktan mo ako at dalian kang humingi ng tawad sa akin upang malaman mo rin kaagad na wala ng saysay ang paghingi ng tawad. Huli na para humingi ng tawad. Naubos na ang oras para sa huli mong pagkakataon.  

0 comments: