sampung buwan

Minsan pala, okey din ang maging ma-pride. Sa unang banda, napapatunayan mo na mahal mo pala ang sarili mo. Ikalawa, napipigilan mo ang sarili mong gumawa ng mga hakbang na maari mong ikahiya at pagsisihan sa bandang huli. Ikatlo, natututo mong pigilan ang pagbasa ng ibang tao sa iniisip mo at sa nararamdaman mo. Dahil dito, naipaglalaban mo ang sarili mo sa maling pag-iisip na wala kang karapatang maghangad ng higit na pagpapahalaga kaysa sa natatanggap mo.

***

Tatlong linggo kong pinanghawakan ang sinabi niyang hahanapin niya ako. Ang bawat araw na sumailalim sa tatlong linggong iyon ay katumbas ng sampung buwan na pinagaksayahan namin para mabuo ang nasira naming pagkakaibigan. Nang dumating ang gabi na pinatunayan niyang gusto niya talaga ako ulit makita, pakiramdam ko ay nasaid na ang lahat ng dahilan na pinanggamot ko sa aking pagaagam-agam. Siguro ay dala na rin ng higit-na-kailangang pag-iisip ko sa aming sitwasyon. Ngunit mas gusto kong isipin na binalutan ako ng pride, kaya't nawalan ako ng pakiramdam nang nagparamdam na siya. 

Dalawang oras bago ko siya ulit mahawakan pagkatapos ng dalawang taon, pinapakiramdaman ko ang aking sarili kung masaya ba ako sa mga nangyayari. Maraming tanong ang tumubo sa aking pag-iisip habang hinihintay ko siyang dumating sa harap ng aming bahay: Gusto ko pa ba talaga siyang makita? Kung oo, ano pa ba ang mapapala ko kung patuloy ko siyang kikitain? Kung hindi, bakit ko pa sinubukang hilumin ang sama ng loob na matagal ko nang itinago sa kanya? Bakit pa niya ako gustong makita? Dahil ba gusto niya lang punan ang pagkatigang ko ng dalawang taon? Ano naman ang pakialam niya sa pagkatigang ko? Dahil ba wala lang siyang magawa at gusto niya ng libangan? Kailangan ba naming patunayan sa isa't isa na wala na kaming iba pang nararamdaman sa isa't-isa kundi libog? Nagpuyat ba kami ng sampung buwan sa internet para lamang punan ang kanya-kanyang pisikal na pangangailangan? Sigurado ako sa aking sarili na hindi malaking kawalan sa akin ang kawalan ng kasiping sa loob ng dalawang taon. Sigurado rin ako na hindi lang ako ang nagpapalibog sa kanya mula noong panahong muli kaming nag-usap hanggang sa mga susunod pang araw. Kung ganoon, bakit kailangan pa namin magkita?

Ayokong dumating na naman ako sa puntong gusto ko na naman siyang tanungin kung ano ba talaga ako sa kanya. Sawa na ako sa tanong na iyon. Siguro, kung mayroon man isang bagay na naging malinaw sa akin sa loob ng sampung buwan ay ang kawalan ng posibilidad na mahalin niya ako. Sa sampung buwan na iyon, napatunayan ko rin na bagama't gusto ko pa rin siya, hindi na iyon katulad ng nararamdaman ko sa kanya mula nang maghiwalay kami noon sa Quezon Avenue. May isang bagay pa pala na naunawaan ko sa sampung buwan na iyon: hindi ko na magawang magtiwala sa kanya sapagkat unti-unti nang nawawala ang pagkataong nakilala ko tatlong taon na ang nakalilipas. Hindi ko alam kung ano ang nagbago sa aming dalawa, ngunit alam ko na mararamdaman ko ang pagbabagong iyon sa oras na magkita kami.

Totoo nga. Malayo na nga ang aming pakikitungo kung ikukumpara noon. Ni hindi na nga namin makuhang matitigan ang isa't-isa. Siguro ay marami na rin kaming tinatago sa nararamdaman namin. Siguro ay masyado na kaming takot na maulit pa ang nangyari noon. Noon kasi, hindi kami natatakot na malaman ang iniisip ng isa't-isa. Noon kasi, hindi kami natatakot na makitang magkasama ng ibang tao. Noon kasi, alam namin ang dahilan ng aming kalungkutan. Noon kasi, kaya naming iparamdam na nandito lang kami para sa isa't-isa. Noon kasi, masaya kaming makasama ang isa't-isa. Noon kasi, hanggang sa huling beses naming magkita, ayaw namin masaktan ang isa't-isa. Kung anuman ang ayaw namin maulit sa mga ito ngayon, hindi ko alam. Kung sa bagay, pwede rin kasi na ang lahat ng inakala ko noon ay hindi pala totoo, at ang katotohanang ayaw kong tanggapin ay unti-unti ko nang nakikita ngayon, dahil umiiwas na ako ngayon sa aking pangangarap tungkol sa kahahantungan namin. 

Normal lang naman siguro na magbago kami. Kung hindi man dulot ng mga pinagdaanan namin noon, maari rin na dala ito ng pag-iiba ng direksyon ng aming buhay: direskyon na pinapalakad namin sa magkaibang hantungan; direksyon na maaring hindi na nagugustuhan ng isa't-isa; direksyon na lumalabo nang mag-ugnay. Wala naman sigurong masama kung dumating ang oras na hindi na namin kakailanganin na magkita pa. Tumatakbo ang panahon at hindi naman talaga maiiwasan kung magkasawaan kami. Ngunit kung dumating na ang pagkakataon na hindi na namin talaga makilala ang isa't-isa dahil sa sarili naming pagbabago, sana ay maiwan man lamang ang respeto namin sa isa't-isa. 

0 comments: