Labingwalong oras na ang nakalilipas nang pumila ako ng isang oras para maghintay ng sasakyan pauwi. Ito ang nagpahintulot sa akin na paliparin ang aking isipan upang masilip ang mga maaring mangyari sa mga susunod pang araw.
Pagkatapos ng walong buwan ng pag-iisip at pagkalito, ano na? Wala pa rin akong sagot; hindi ko pa rin alam ang dapat kong gawin sa iyo; hindi ko pa rin alam kung sino ka, kung sino ka sa akin, kung sino ako sa iyo, at kung sapat at mahalaga pa bang itanong sa aking sarili ang mga bagay na ito. Maaring nabiyayaan ako ng sapat na panahon para makiramdam at makapagbigay-kasagutan sa mga tanong na ito, ngunit sa huli, napagtanto ko na nilustay ko lamang ang walong buwan sapagkat ako ay naging manhid at nabigo (o maaring tinamad) na patahimikin ang aking sarili.
At maaring wala ng pagkakataon sa hinaharap para matugunan ko ang mga kalituhang ito sa aking sarili. Hindi ko pa rin maitatanggi na nananatiling maluwag ang pagkapit natin sa kamay ng isa't isa. Maaring sa isang iglap, wala ka na... o wala na ako; at sa pagkakataong iyon, pagsisihan ko ang bawat minutong winaglit ko sa pagbibigay-halaga sa kahalagahan natin sa isa't isa.
Kapag ba natitigan ko na ang iyong mga mata, mangangahulugan kaya na mas magiging tapat ka sa iyong mga mararamdaman, kaysa ngayong pinapagitnaan tayo ng pagkakataon?
Kapag ba naramdaman mo ang mahigpit kong yakap, mangangahulugan kaya na hindi ka lalayo sa aking piling, kaysa ngayon kung saan ang mga salita mo lamang ang nagbibigay sa akin ng ganoong pag-asa?
Hindi kaya ang paglapit mo sa akin ang siya mo namang paglayo sa aking piling?
Hindi ko pa rin alam kung ano ang dapat kong maramdaman sa mga nakakagulat mong tugon nang malaman mo ang aking pagkatao, ni hindi ko rin alam kung ano ang dapat kong maramdaman sa mga nakalulungkot na bagay na iyong pinagtapat.
Hindi ko pa rin alam kung karapatdapat kang pagkatiwalaan at kung talagang pinagkakatiwalaan mo ako.
Hindi ko man lamang inaalam kung kailan ako nagiging sanhi ng iyong kalungkutan at pagkamuhi.
At kung mayroon mang isang bagay na alam ko, iyon ay ang makuntento sa hindi paghanap ng kasagutan.
Kamanhiran
Posted by Joyce 11.29.2006 at 9:49 AM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment